


MGA ISYU AT IBA PA...
Linggo, Abril 27, 2025
SEN. BONG GO PINURI NG PARTYLIST NG MGA BUMBERO

Ulat ni: Baron Rjhay E. Laurea
Bidyo mula kay/sa: Jennifer C. Tamondong at Bakit Kayo sa Kongreso

MGA ISYU AT IBA PA...
Linggo, Marso 10, 2024
LTFRB CHIEF GUADIZ KUMPIYANSANG MAPAPATUPAD ANG PUVMP SA KABILA NG MGA BALAKID
Ni: Rjhay E. Laurea

Larawan mula sa Philippine News Agency (PNA)
MATAPOS ang pagkakabasura ng isang kaso na nagkukuwestiyon sa legalidad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan, kumpiyansa si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III na kaparehong resulta rin ang makukuha ng iba pang naihain na kaso laban dito.
​
"Base ho sa nangyari ngayon na desisyon ng Supreme Court, kung ito ho ang aming pagbabasehan, ako ho ay tiwala na ganoon din po ang mangyayari – ito ay ibabasura at ito po ay ibaba sa mga trial courts or sa Court of Appeal para po litisin iyong mga issues na idinulog po ng mga naghain ng petition kontra dito sa PUVMP," sabi ni Guadiz sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon kamakalawa.
​
Naisambit ni Guadiz ang pahayag nang matanong siya tungkol sa dalawa pang nakabimbinbing kaso sa Korte Suprema na humahamon sa implementasyon ng modernization program matapos na mabasura ang petisyon na inihain ng Bayyo Association, Inc. (Bayyo).
​
Ikinalugod naman ng LTFRB chief ang naging desisyon ng Korte Suprema at sinabi pang pagpapakita lamang ito na kinikilala ng pinakamataas na hukuman ang kahalagahan ng PUVMP sa pagsisikap na ma-modernisa ang pampublikong transportasyon.
​
Ngunit sa kabila nito, nirerespeto pa rin ng ahensiya ang susunod na hakbang ng nabanggit na transport group na nakatakda pa ring umapela sa Korte Suprema.
​
"Iginagalang po namin ng Bayyo Philippines, pero nagsabi na po ang ating mataas na korte po, ang Korte Suprema na unang-una po, dinenay (deny) na ho nila iyong PUVMP dahil napansin ho sila wala hong legal standing iyong mga nag-file ng petition at dapat daw ho ito inihain po sa mababang kapulungan muna or sa mga affiliate courts or trial court. So, ang ultimong remedyo po nila dito is to re-file the case back to the trial courts," paliwanag ni Guadiz.
​
Muli namang binigyang diin ni Guadiz na ang layon ng PUVMP ay mapabuti, maging mabisa at ligtas ang serbisyo ng transportasyon para sa mga Pilipino at walang katotohanan na may negatibong epekto ito sa drivers at operators sa buong bansa.###

MGA ISYU AT IBA PA...
Biyernes, Hulyo 7, 2023
MGA BARANGAY SA QC MANDATORY NA PINAPADALO SA MGA SEMINAR AT PAGSASANAY LABAN SA KALAMIDAD
Ni: Rjhay E. Laurea


Imbak na larawan ng isang barangay na naghahanda sa paparating na bagyo.

KINAKAILANGAN umanong handa ang mga kawani ng barangay sa mga kalamidad na maaaring maranasan ng Lungsod Quezon lalo pa't nitong mga nakaraang buwan at linggo ay madalas ang pagkakaroon ng lindol at bagyo sa ating bansa.
​
Ito ang punto ng ipinasang ordinansa kamakailan ng Sangguniang Panlungsod ng Quezon kung saan isinasaad na mandatory na ang pagpapadala nito ng kinatawan sa mga seminar laban sa kalamidad at pagsasanay ng mga mapipiling kawani para sa operasyon ng pagliligtas at paghahanda.
​
Sina Konsehal Charm Ferrer ng Unang Distrito at Konsehal Vic Bernardo ng Ikaanim na Distrito ang mga pawang nagsulong ng ordinansa at iginiit nila na ang sunod-sunod na pagkakaroon ng mga lindol at bagyo sa ating bansa ay nakakaalarma at isa itong panggising sa ating lokal na pamahalaan na maging handa at may sapat na kasangkapan sa anumang oras na may maganap na kalamidad.
​
"The barangays, as early as now, shall be given serious attention by regularly allowing or requiring their personnel to undergo mandatory training in rescue operations and disaster preparedness considering that the barangays are the first responders in case the earthquake or natural calamity occurs," paliwanag pa ng dalawang konsehal sa kanilang ordinansa.
​
Sinuportahan din ng iba pang mga konsehal ang isinusulong na ito nina Ferrer at Bernardo. Sa katunayan, karamihan sa kanila ay naging co-introducers pa ng nabanggit na ordinansa na nilagdaan naman ni Konsehal Bernard Herrera (Unang Distrito) na nagsisilbi noong acting vice mayor at inaprubahan naman ni Vice Mayor Gian Sotto na siyang acting mayor nang ipasa ang ordinansa.
​
Ayon pa kina Ferrer at Bernardo, krusyal ang kahalagahan ng mga kawani ng barangay sa pamamahagi ng ayuda, gayundin, ang mga opisyal ng barangay bilang katuwang sa paghahanda, pagresponde at pagbangon kapag may kalamidad.
​
Polisiya rin umano ng Lungsod Quezon na tiyakin na may tamang representasyon ang mga barangay sa paglaban sa kalamidad, lalo na sa pagpapalit ng klima o climate change.
​
Alinsunod sa ordinansa, ang Quezon City Disaster Risk Reduction Management Office (QCDRRMO) ay magsasagawa ng Disaster Risk Seminar para sa mga barangay personnel para sanayin ang mga ito sa aktuwal na pagliligtas at paghahanda laban sa kalamidad.
Ang punong barangay naman ang magtatalaga ng mga kawani na dadalo sa nasabing seminar partikular ang mga nabibilang sa Barangay Disaster Risk Reduction Management Council (BDRRMC) o sinumang kawani na ang trabaho ay may kaugnayan sa rescue and relief operations.###

MGA ISYU AT IBA PA...
Lunes, Hunyo 26, 2023
PH handa na ba sa rito?
Pagpasa ng SOGIESC Bill,
Tunay na Layon ng mga Pride March
Ni: Rjhay E. Laurea


Mga larawan mula sa QC Government
MAY dalawang dekada na ring nakabinbin sa Kongreso at Senado ang pagpasa ng Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression or Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill na isang uri ng batas na nagsusulong ng paglaban sa diskriminasyon anuman ang sekswalidad ng isang mamamayan.
​
Sa kultura at tradisyon ng isang bansang tulad ng Pilipinas na karamihan ay mga Kristiyanong Katoliko, tila isang butas ng karayom ang dinadaanan ng SOGIESC Equality Bill na hindi maipasa-pasa sa kabila ng patuloy na lumalakas na panawagan na maipasa na ito.
​
Maging ang Pangulong Fedinand "Bongbong" Marcos, Jr., at Bise Presidente Sara Z. Duterte ay nagpahayag ng suporta sa LGBTQIA+ community sa laban na ito.
​
"Mahalaga na patuloy ang pagsuporta, pagrespeto at pagkilala sa kanilang (LGBTQIA+ sector) mahalagang ginagampanang bahagi sa ating lipunan. Ang kanilang 'di matatawarang kontribusyon sa iba't ibang larangan, nakikipagsabayan sa kaninuman, ang mga responsible at walang kapagurang tagapagtaguyod ng kanilang pamilya at tahanan. Palakpakan natin sila at ipagmalaki dahil sa kanilang pagsasabuhay ng husay at galing nating mga Pilipino," ayon kay Pangulong Marcos.
​
"Sa bagong Pilipinas, ang Pilipino ay malaya, sa bagong Pilipinas ang Pilipino ay malawak ang isipan at malaya sa diskriminasyon o pagkutya, 'yan ang mensaheng patuloy nating paiigtingin," pangako pa ng Pangulo.


Mga larawan mula sa Office of the Vice President Sara Duterte
Samantala, todo naman ang suporta ni Vice President Duterte na maipasa na ang SOGIESC Bill, na nagsabi pang: "Good things takes time. But we have advocates in the government, kasama na ako, sa inyong paghahanap ng batas for protection. Let us continue to press on in our shared cause for gender equality and social imparments to avenues that will promote entrepreneurial collaborations."
​
Isang programang pangkabuhayan para sa LGBTQIA+ sector ang ipinatutupad ng Office of the Vice President (OVP) na tinaguriang Magnegosyo 'Ta 'Day na ayon sa Pangalawang Pangulo ay layong tulungan ang mga kabababayan nating LGBTQIA+ na maging matagumpay bilang isang negosyante.
​
"As socio-economic disparities across genders continue to rise, we believe in the importance of expanding the capacities of the sector. Thereby, instituting programs that will not only narrow the economic gaps among genders, but will also help them contribute to the overall growth of their respective industries. I want you to succeed and to grow. Dahil ang tagumpay ng inyong negosyo ay magiging tagumpay ng inyong pamilya, at magiging tagumpay ng inyong mga komunidad," dagdag pa ni VP Duterte.



Mga larawan mula sa QC Government
Samantala, bukod sa pag-host ng pinakamatagumpay at pinakamalaking Pride March kung saan umabot sa 110,752 ang nakilahok, ipinamalas naman ng Lungsod Quezon ang mariin nitong pagsuporta sa LGBTQIA+ community at pagpapahalaga sa mga queer couples sa siyudad sa pamamagitan ng paglulunsad ng Right to Care Card na magbibigay ng karapatan sa mag-asawang LGBTQIA+ na magdesisyon para sa kani-kanilang partners pagdating sa usaping medikal.
​
"May mga ulat sa atin na ilang miyembro ng LGBTQIA+ community ang pinagbabawalan na magdesisyon kapag ang partners nila ay nasa krusyal na kalagayan at kinakailangang ma-admit sa mga intensive care units ng mga ospital," sabi ni Belmonte.
​
"Nais naming lahat ng residente, anuman ang kanilang oryentasyong seksuwal, ay mabigyan ng pagkakataon na makasama ang kanilang mga katuwang sa buhay sa mga kritikal na pagkakataon tulad ng pagkakaospital. Gumagawa kami ng isang mahalagang hakbang para tiyakin sa rainbow community na pinangangalagaan namin sila, kinikilala at pinahahalagahan sa Quezon City," dagdag pa ni Belmonte.
​
Si Belmonte ay matagal nang katuwang ng LGBTQIA+ community sa pagsusulong ng batas na magbibigay ng pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan anuman ang seksuwal na oryentasyon at pagkakakilanlan nito. Aniya, patuloy nilang susuportahan ang Pride March hanggang sa maipasa ang SOGIESC Bill.
​
"Well, we want to celebrate them, we honor them, we recognized them, and of course we also want to provide a venue for them to speak out kasi marami pang kailangan magawa at mangyari para magkaroon ng tunay na gender equality para sa LGBTQIA+ sector," ayon pa sa alkalde.
​
Bukod sa Lungsod Quezon, nagsagawa rin ng hiwalay na mga Pride March ang iba pang lungsod sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa kabilang na ang Makati; Pasig; Baguio; Cagayan de Oro; Quirino; San Mateo, Rizal; at Cebu. Mayroon ding mga Pride March na ginanap o gaganapin pa lang Zamboanga; Romblon; at General Santos City. May LGBTQIA+ mass wedding din na naganap sa Quezon City na inorganisa ng LGBTS Christian Church at may nakatakda ring ganapin sa Subic, Zambales.


"Ginagawa ang mass wedding natin sa LGBTS Christian Church for social awareness na ito marami nang kinakasal tapos hanggang ngayon wala pa rin tayong batas na nagpoprotekta (sa LGBTQIA+ couples). Ito rin ay panawagan na magkaroon na ng civil union partnership sa Pilipinas na magpoprotekta para sa LGBTQIA+ couples," paliwanag ni LGBTS Christian Church head pastor Rev. Cresencio Agbayani, Jr.
​
Naniniwala ang LGBTS Christian Church na may maling interpretasyon ang mga naunang Simbahang Kristiyano sa kung ano talaga ang katuruan ng Banal na Bibliya patungkol sa LGBTQIA+ individuals na siyang pangunahing dahilan bakit naitatag ang kanilang simbahan.
​
Kung ang Commission on Human Rights (CHR) ang tatanungin, dapat nang maipasa ang SOGIESC Bill. Anila, ang consolidated bill na inaprubahan ng House Committee on Women and Gender Equality ay mainam nang unang hakbang para sa umusad ito.
​
"The approval of the newly-revised SOGIESC Equality Bill is a commendable step forward," ayon sa CHR. “In observance of the Pride Month, we hope to see concrete and serious strides in advancing the plight of the LGBTQIA+ sector through the swift progress of the equality bill,” dagdag pa ng Komisyon.
​
Ayon sa CHR hanggat walang kongkretong batas na magpoprotekta sa LGBTQIA+ laban sa diskriminasyon, mananatiling bulnerable ang sektor sa anumang uri ng pang-aabuso at pagkutya.
​
Matatandaan na inaprubahan kamakailan ng House Committee on Women and Gender Equality ang SOGIESC Bill matapos na pakinggan ang posisyon ng mga tumututol na evangelical groups at mga organisasyong sumusuporta naman sa pagpasa nito.
​
Paniniwalang pangrelihiyon pa rin ang pangunahing humaharang sa pagpasa ng SOGIESC Bill kahit na ang nasabing panukalang batas ay hindi naman patungkol sa same-sex marriage na siyang tinututulan ng mga konserbatibong simbahan at sa kabila ng nakasaad sa Saligang Batas na may "paghihiwalay ang simbahan at ang estado."###

MGA ISYU AT IBA PA...
Biyernes, Hunyo 23, 2023
QC PRIDE FESTIVAL PATULOY NA MAG-IINGAY HANGGANG SA MAIPASA BILANG BATAS ANG SOGIE BILL
Nina: Rjhay E. Laurea at Junn Sta. Maria


"MAG-INGAY tayo hanggang marinig ng mga nasa Batasan (Pambansa) ang kahilingan ng taumbayan!"
​
Ito ang mensaheng ipinaabot ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa isinagawang pulong-balitaan kamakailan hinggil sa isasagawang QC Pride Festival bukas (Hunyo 24) sa Quezon Memorial Circle (QMC) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pride Month ngayong Hunyo.
​
Ayon kay Mela Habijan, lider ng grupong Pride PH na katuwang ng Lungsod Quezon sa pag-organisa ng QC Pride Festival, ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang isang selebrasyon kundi isang uri pa rin ng mapayapang pagprotesta para maipasa na bilang batas sa Kongreso at Senado ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) Bill na nagtatakda ng pagkakapantay-pantay ng karapatang pantao ng lahat kahit ano pa ang seksuwalidad ng mga ito.
​
Nagpahayag din ng pagkasabik sa isasagawang aktibidad ang lahat ng mga organizer at member ng core team ng Pride PH. Anila, magkakaroon ng tatlong bahagi ang festival na kinabibilangan ng Pride Expo, Pride March, at Pride Night. Inaasahan din nila na mula sa 25,000 na nagsidalo noong nakaraang taon ay mapaabot nila ang lalahok ngayong 2023 sa 50,000.
​
"Nais namin na mapanatili ang parehong format noong nakaraang taon, pero siyempre, magiging mas malaki at mas maganda ito. Gusto rin namin na magkaroon ng mga solidarity speeches sa buong araw para mas umingay pa ang panawagan ng komunidad para sa pagkakapantay-pantay at pagkilala na rin sa aming mga karapatan. Bago naman kasi ang lahat, ang Pride (Festival) ay isa pa ring protesta," sabi ni Rod Singh, direktor ng QC Pride Festival Program.
​
Magbubukas ang Pride Festival ng 10:00 ng umaga para magbigay ng daan para sa mga negosyanteng LGBTQIA+, NGO partners, at iba pang katuwang na korporasyon na ipakita ang kanilang mga produkto at serbisyo sa mga magsisidalo.
​
"Pagsapit ng ikatlo ng hapon, umaasa kaming makakapagmartsa nang matiwasay sa nakatakdang ruta na dadaanan at tapusin ang araw sa pamamagitan ng isang Pride show na magsisimula ng ika-6:00 ng gabi. Asahan na maraming sayawan at magagandang musika mula sa mga talentadong queer performers at artists," dagdag pa ni Singh.
​
Ibinigay naman ng QC Government ang kanilang buong suporta sa aktibidad kung saan tinitiyak ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan at seguridad ng lugar para matagumpay na maipagdiwang ang Pride Festival.
​
"Ang Lungsod Quezon ay isang inklusibong siyudad at kakampi kami ng LGBTQIA+ community. Tinitiyak namin sa mga lalahok na ang Pride event ngayong taon ay magiging masaya, hindi malilimutan, at makahulugan para sa lahat," dagdag na pahayag ni Mayor Belmonte.
Aniya, maging ang kanyang administrasyon sa kabuuan ay nagsusulong at nagpapatupad ng mga polisiya para sa pagkakaroon ng pantay na karapatan ng mga heterosexuals at ng LGBTQIA+. Kabilang na rito ang pagtiyak na nasusunod ng mga negosyo at establisimiyento ang mga patakaran lalo na sa paglalaan ng hiwalay na palikuran para sa mga LGBTQIA+.
​
Sinabi ni Business Permits and Licensing Department (BPLD) head Margarita Santos na mahigpit ang pag-iinspeksiyon nila sa mga negosyo at establisimiyento na dapat ay nakakasunod sa pamantayan ng ordinansa ng lungsod bago ito mabigyan ng permiso na mag-operate.
​
Si Department of Public Order and Safety (DPOS) head at dating QC Police District (QCPD) director Elmo San Diego naman ay ikinuwento ang karanasan niya nang magtrabaho sa kanya ang transgender cop na si P/Major Rene Balmaceda na kasalukuyang head ng Women's and Children's Desk ng QCPD.
​
Habang tiniyak naman ni District 6 Councilor Doc Ellie Juan, ang chairperson ng committee on women and children and gender equality na patuloy na magpapasa ng mga resolusyon at ordinansa ang Konseho ng Lungsod Quezon para maisulong ang pagkakapantay-pantay ng lahat at mawala na ang diskriminasyon.
​
Samantala, higit sa 10 Pride March ang naganap ang magaganap sa buong Pride Month. Maliban sa Pride Festival sa Lungsod Quezon bukas, magkakaroon din ng hiwalay na pagdiriwang sa Makati, Baguio, Quirino, Cagayan de Oro, at Cebu. Magkakaroon din ng mga regional march sa mga siyudad ng Zamboanga, Romblon at General Santos City hanggang sa katapusan ng buwan.
​
Ikinatuwa naman ni Mayor Belmonte ang pagdami ng mga alkalde na sumusuporta sa LGBTQIA+ community na umabot na sa 43 mayors ang may partnership na sa ilang mga NGOs at nagbibigay ng edukasyon hinggil sa SOGIE. Masaya rin siya na ang pangulo ng League of Cities na si Mayor Michael Rama ay matibay din ang suporta sa nasabing sektor.###

MGA ISYU AT IBA PA...
Biyernes, Hunyo 16, 2023
PAGDIRIWANG NG PRIDE MONTH BILANG PAGBALIKWAS SA KULTURA NG DISKRIMINASYON AT PAMBUBUSKA
Ni: Patrick Garin



Si Quezon City Mayor Joy Belmonte kasama ang ilang miyemrbo at leaders ng LGBTQIA+ noong 2022 Pride PH Festival
Walang limitasyon ang pagmamahal, kahit pa kasarian. Maaaring hingin ninuman ang kamay ng sinumang kanyang mapusuan ano man ang kasarian. Lalong walang puwang ang diskriminasyon at pagyurak sa karapatan ng iba dahil sa kanyang oryentasyong seksuwal.
​
Ipagdiriwang muli sa darating na ika-24 ng Hunyo ang Pride PH’s Pride Festival na may temang "Love, Laban: A Celebration of the Fight for Love in All Forms and Ways". Pangungunahan ng Lungsod ng Quezon ang pag-host para sa nasabing pagdiriwang na gaganapin sa Quezon Memorial Circle. Nakatutuwang patuloy pa rin ang pakikibaka para sa kanilang karapatan ang mga miyembro ng LQBTQIA+. Sa tulong ng mga taong bukas ang isipan, balang araw ay makakamit din ang kapayapaan.
​
Pinapanindigan ng QC ang pangako nitong gawing "City of Inclusivity" ang kanilang lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay suporta sa pakikipaglaban ng mga LGBTQIA+. Ibig sabihin nito, bukas ang siyudad para sa lahat ng sektor maging sa mga LGBTQIA+. Nagpahayag ng buong suporta si Mayor Joy Belmonte sa Pride PH at sa Pride Festival. Suportang higit na kinakailangan ng mga miyembro ng nasabing samahan sa mga panahong pinupukol sila ng pagsubok na dala rin ng mga taong sarado pa rin ang isipan at hindi matanggap ang katotohanan ng buhay.
​
Nagpapasalamat naman si Mela Habijan, Miss Trans Global 2020 at lead convener ng Pride PH sa lokal na pamahalaan ng Quezon City bilang isa sa pinakamalaking kaalyado ng LGBTQIA+ community. "Ito ang ikalawang taon na tinanggap tayo ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa kanilang tahanan. At kami ay pinagpala na magkaroon ng suporta ni Mayor Joy, na naging consistent na tunay na kaalyado ng komunidad mula pa noong unang araw,”aniya.
​
Malinaw na bukas ang tahanan ng QC para sa mga miyembro ng nasabing samahan. Mabuti dahil kailangan ng mga LGBTQIA+ community ng kakampi sa panahong nilulubog sila ng karamihan. Isa sa pinakamalawak na network ng LGBTQIA+ na mga indibidwal at organisasyon ang Pride PH na siyang organizer ng QC Pride Festival. Ang Pride Festival ay isang isang araw na kaganapan na pagdiriwang ng mga miyembro ng LGBTQIA+ sa pamamagitan ng mga pangunahing aktibidad. Nahahati sa tatlong klase ang mga aktibidad na ito. Nariyan ang Pride Expo, Pride March, at Pride Night.
​
Ang Pride Month ay isang buwang pagdiriwang na kumikilala sa LGBTQ+ community at sa kanilang mga kontribusyon sa lipunan. Panahon na para kilalanin ang mga hamon na kinakaharap ng komunidad na ito at tumayo sa pagkakaisa sa kanilang paglaban para sa pagkakapantay-pantay, pagtanggap, at karapatang pantao. Ang Pride Month ay isang masaya at makulay na pagpapakita ng pagmamahal, pagkakaisa, at katatagan, na may mga kaganapan at aktibidad na nagsusulong ng pagiging inklusibo, nagtuturo sa publiko, at nagdiriwang ng pagkakaiba-iba ng mga oryentasyong sekswal at pagkakakilanlang pangkasarian.
​
Tradisyonal na ipinagdiriwang ang Pride Monrh tuwing Hunyo sa buong mundo, kabilang ang United Kingdom. Ngayong taon, magaganap ang Pride Month mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 30. Ang pinahabang panahon na ito ay nagbibigay-daan para sa malawak na hanay ng mga kaganapan, parada, martsa, at talakayan na magaganap, na nagbibigay ng mga pagkakataon para sa mga LGBTQIA+ na indibidwal at kanilang mga kaalyado na magsama-sama at iparinig ang kanilang mga boses.
​
“Higit pa sa isang pagdiriwang, ang Pride Festival ay isang panawagan para wakasan ang diskriminasyon, poot at pagtatangi sa mga miyembro ng LGBTQIA+. Isinasagawa namin ang aktibidad na ito hindi dahil ang sektor na ito ay naghahanap ng espesyal na paggamot. Sa halip, ang inaasam-asam nila ay simpleng paghinto sa hindi nararapat na masamang pagtrato at pagtanggi sa mga pagkakataong patuloy nilang dinaranas," sabi ni Mayor Belmonte.
​
Ngayong taon mayroong higit sa sampung Pride marches na nagaganap sa buong Pride Month. Bukod sa QC Pride Festival sa Hunyo 24, ilang selebrasyon ng Pride ang sabay-sabay na magaganap sa parehong araw sa Makati, Baguio, Quirino, Cagayan De Oro, at Cebu. Magpapatuloy din ang Regional Pride Marches sa iba't ibang lungsod tulad ng Zamboanga, Romblon, at General Santos City hanggang sa katapusan ng buwan. Ang Pride PH Festival ay maaari ding matunghayan sa pamamagitan ng iba't ibang online at streaming channels. Ipapalabas ito nang live sa pamamagitan ng Facebook page ng Pride PH, opisyal na Facebook page ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon at sa pamamagitan ng digital platforms ng mga opisyal nitong media partners, ABS-CBN, iWantTFC at Myx.
​
Isang aktibidad din ang isinagawa ng Tanggapan ni Vice President Sara Duterte sa Lungsod kung saan ibinida niya sa ilang leaders ng LGBTQIA+ ang mga programa ng kanyang opisina para sa kabilang sa nasabing sektor.
​
"Ang pagmamataas ay nakikita bilang mga ligtas na espasyo na nagbibigay ng isang lugar upang itulak ang pagkakapantay-pantay at pagiging kasama. At habang ang mga pagdiriwang na ito ay nananatiling pagdiriwang, ang Pride ay isang protesta pa rin at dapat na manatiling ganoon. Hanggang sa hindi na kailangan ng LGBTQIA+ community na ipaglaban ang kanilang mga karapatang pantao, ang kanilang karapatang magmahal, at ang kalayaan na maging tunay na tunay na sarili nila,” dagdag ni Habijan.
​
Magpapatuloy ang pakikibaka ng mga miyembro ng LGBTQIA+ hanggang hindi nila nakakamit ang nararapat para sa kanila. Dahil hanggat marami pa ang nangmamata sa kanila, hindi ganap na makakalaya ang mga ito mula sa panghuhusga't pananakit ng masa. Tapos na ang pagsasawalang bahala at hindi pagkimi. Sapagkat nahanap na ng mga inaabuso ang boses na sisigaw para sa kalayaan nila.###