


BALITANG KALINANGAN

Martes, Abril 1, 2025
PAGSASALOKAL NG NATIONAL INTEGRATED CANCER CONTROL ACT O NICCA ISINUSULONG NI KONSI CHARM FERRER

Ulat ni: Baron Rjhay E. Laurea
Mga larawan mula sa: Tanggapan ni
Konsehal Charm Ferrer

BALITANG KALINANGAN
Biyernes, Hunyo 23, 2023
Grupong Pangkalikasan, Midya Nagsanib Puwersa para Mapabuti ang Pag-abot ng Babasahing Pang-edukasyon sa mga Kabataan ng QC
Ni: Alfredo Patriarca, Jr.



DALAWANG non-government organizations ang nagsanib ng puwersa para mapabuti pa ang pag-abot ng mga batang mag-aaral ng Lungsod Quezon sa mga babasahing pang-edukasyon matapos nga na magbigay ang mga ito ng kabuuang 3,376 na aklat ng K-12 sa Quezon City Public Library (QCPL) noong nakaraang Lunes, Hunyo 19, 2023 habang isinasagawa ang regular na Flag Raising Ceremony ng Pamahalaang Lungsod.
Personal na iniabot ng mga opisyal ng Kapatiran ng mga Mamamahayag sa Pilipinas (KMP) at ng Ban Toxics Philippines (BAN Toxics) ang mga nasabing aklat sa mga opisyal ng Lungsod Quezon na pinangungunahan ni Mayor Joy Belmonte at ni QCPL officer-in-charge (OIC) Ms. Mariza G. Chico.
"Bilang kinatawan ng sektor ng mga propesyunal sa QC Council of Sectoral Representatives (QC-CSR) ng City Development Council (CDC), pangunahing tungkulin namin ang suportahan ang Pamahalaang Lungsod, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Belmonte, upang maabot ang mga layunin nito na nakapaloob sa kanilang 14-Point Agenda kung saan kabilang ang pagbibigay ng mataas na kalidad ng edukasyon sa kanilang nasasakupan,” sabi ni KMP president at Professional Sector Representative Rjhay E. Laurea.
"Nagpapasalamat kami sa Ban Toxics Philippines na ipinagkatiwala nila sa amin ang pag-facilitate ng donasyon ng mga aklat na kanilang nakolekta mula sa iba’t ibang stakeholder at nang pormal itong maiabot sa Pamahalaan ng Lungsod Quezon sa pamamagitan ng pampublikong aklatan ng lungsod,” dagdag pa ni Laurea.
Si Laurea ay pangulo rin ng isa pang organisasyong sumuporta sa proyekto - ang Kiwanis Club of Quezon City Legends, isang sangay ng internasyunal na CSO na ang adbokasiya ay protektahan at pangalagaan ang karapatan, kagalingan at interes ng mga bata.
Maliban sa pagiging kasapi ng CDC, ang QC-CSR ay nagsisilbi ring pansamantalang executive committee ng People's Council of Quezon City (PCQC) na binubuo ng 50 sector representatives mula sa 23 sektor na hinalal ng mga kinikilalang civil society organizations (CSOs) ng Pamahalaang Lungsod.
"Tungkulin namin bilang civil society organization na makipag-ugnayan sa mga paaralan at sa mga komunidad at magsagawa ng mga proyekto at programa na makakatulong na mapagaan ang kanilang kondisyon at makapag-ambag para sa mas ligtas at malusog na kapaligiran,” pahayag naman ni BAN Toxics executive director Mr. Rey San Juan.
"Bilang tagapangalaga ng daigdig, may responsibilidad tayo na protektahan ang ating pangkalahatang tahanan, protektahan ang ating mga kabataan, para sa isang hinaharap na malaya sa mga lason at basura,” dagdag pa niya.
Ang book donation ay bahagi ng Toxic-Free and Waste-Free Schools Program (TFSP) project ng BAN Toxics kung saan hinihikayat nito ang mga institusyong pang-edukasyon sa lahat ng antas na magsagawa ng mabuting pangangasiwa ng kanilang mga basura at kemikal habang nag-o-operate, nang sa gayon ay maisakatuparan din ang pagkakaroon ng malusog na kapaligiran.
Hindi lamang umano nakakapagbigay ng libreng aklat sa mahihirap na estudyanteng may limitasyon sa pagkuha ng mga impormasyon ang book donation drive sapagkat nakakatulong din ito na mabawasan ang mga basurang papel dahil hinihikayat nito ang mga nagmamay-ari ng libro na i-donate na lamang sa halip na itapon ang mga aklat na hindi na nila kailangan. Nakakatulong din ito sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa komunidad.
Pinasalamatan naman ng QC Government ang dalawang grupo kasabay ng paghikayat nito sa iba pang CSOs na makipagtulungan sa pamahalaan sa pamamagitan ng PCQC.
"Maraming salamat kina Mr. Rey San Juan at Mr. Thony Dizon ng Ban Toxics Philippines, Kiwanis Club of QC Legends at sa Kapatiran ng mga Mamamahayag ng Pilipinas sa pangunguna ng kanilang presidente at QC Professional Sector Representative na si Rjhay Laurea. Nagbigay sila ng 3,376 K-12 textbooks na ibabahagi sa QCPL branches at sa mga public K-12 schools sa QC," paahyag sa post sa opisyal na QC Government Facebook page.
Sinaksihan din ni QC-CDC CSO Representative to the Execom Mr. Brian Lu ang turn over ceremony kung saan sinabi niyang: "Parehong kinikilalang CSOs ng QC Government ang KMP ng professional sector at BAN Toxics ng environmental sector, nagpapasalamat kami sa dalawang grupo sa pagpapakita ng magandang halimbawa sa kung ano ang tunay na esensiya ng people’s participatory government - ito ang kolaborasyon ng pamahalaan at ng pamayanang sibil.”###

BALITANG KALINANGAN
Lunes, Hulyo 3, 2023
CHAMBA FITNESS DANCE SUPORTADO NG 6 QC SECTOR REPRESENTATIVES
Ni: Khryzz Daynata

Mga QC Sector Representatives kasama ang ilan sa kanilang tagasuporta
at Kalinangan TV News Team

SUPORTADO ng anim na sectoral representatives ng Quezon City ang "Chamba: Sayawit sa Linggo ng Wika" na ilulunsad ng Kalinangan TV at Kiwanis Club of QC Legends sa Agosto.
​
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa proyekto ang Kapatiran ng Mamamahayag sa Pilipinas, 4Ks Solo Parents Federation of Quezon City, Barangay Culiat Solo Parents, District 6 WE Pride Council Federation, E-Merge United Zumba Ladies of Escopa 3, at Malasakit at Respeto sa Mamamayan Movement District 4, pawang mga kasama sa QC Council of Sectoral Representatives - City Development Council.
​
Miyembro ng naturang mga grupo ang mga professional, solo parents, LGBT, socio-cultural, at mga mula sa sektor ng kalusugan.
​
Mula sa dating "Chamba Independence Day: Sayawit Para sa Kalayaan", ang aktibidad ay babansagan nang “Chamba: Sayawit sa Linggo ng Wika" na gaganapin sa Quezon City Memorial Circle covered court sa August 12, 2023, Sabado mula 8:00 ng umaga hanggang 6:00 ng hapon.
​
Ang Chamba ay isang Filipino fitness dance na binuo ng kilalang dance guru na si Mel Feliciano. Ito ay magkahalong Chacha, modern dance at Samba. Ito rin ay isang fitness dance na mas mabagal kumpara sa kilalang Zumba na mula sa Latin America.
​
Layunin ng proyektong "Chamba: Sayawit sa Linggo ng Wika" ang magbigay ng libreng health services sa mga residente ng Quezon City sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng isa sa partner-sponsor na Noblelife International na siyang magbibigay ng libreng health assessment at check-up sa mismong araw ng aktibidad.
​
Magbibigay din ang Noblelife International ng libreng detoxifiers at healthy coffee. Magkakaroon din ng raffle prizes sa gitna ng event at bukod sa Chamba Fitness Dance Clinic ay magkakaroon din ng On-The-Spot (OTS) Dance Contest.
​
Isa pang highlight ng programa ang pag-awit ng live ng mga singers kung saan maaring sabayan ng sayaw ng mga kalahok.
​
Ayon kay Rjhay Laurea, kinatawan ng professional sector, ang programa ay isang “one-of-a-kind experience” sa mga residente ng lungsod.
​
“This is a one-of-a-kind experience for all the QCitizens. Beside the health services it offers, it also promotes the culture of bayanihan where well-off people and philanthropists can sponsor the less fortunate ones so they will be able to join the activity,” pahayag ni Laurea.
​
Paliwanag ni Laurea, posibleng maging libre ang registration fee sa mga nais na lumahok siguraduhin lamang na may benefactor na mag-i-sponsor ng slot para sa kanila.
​
Sa mga nais na mag-avail ng free slot, maaaring mag-register online sa pamamagitan ng Google form mula sa Kalinangan TV na naka-post sa kanilang Facebook page.
“We invite all the QCitizens to participate in this event. And we also would like to thank the Quezon City Government headed by Mayor Joy Belmonte and the Quezon Memorial Circle Administration under the supervision of Mr. Windsor Bueno for fully supporting our program which aims to promote a healthy lifestyle among QC residents,” dagdag pa ni Laurea. ###